Si Tom ay isang mangmang na napagbintangang pumatay ng isang dating kapitan sa kanilang barangay. Nang siyay maaresto, pinapirmahan sa kanya ang isang sinumpaang salaysay na umaamin sa pagkakasala. Bagamat sinabi ng mga imbestigador na may karapatan siyang kumuha ng isang abogado, siya ay hindi nagkaroon ng representasyon nito. Sa paglilitis, hindi niya inamin na siya ay may sala subalit siya ay na-sentensiyahan pa rin dahil sa kanyang sinumpaang salaysay. Tama ba ang mababang hukuman?
Mali ang desisyon ng mababang hukuman sa kasong ito. Nang gumawa ng sinumpaang salaysay si Tom ay wala itong abogado. Samakatuwid ito ay hindi matatanggap na ebidensiya laban sa kanya.
Kahit na hindi ginamitan ng anumang pananakot o pagbabanta si Tom sa pagpirma ng salaysay ay hindi pa rin ito matatanggap dahil nga walang abogadong tumulong sa kanya. Bagamat maaaring ipa-isantabi ang karapatang magkaroon ng abogado, nararapat na ito ay gawing boluntaryo na sapat ang kanyang kakayahan at pag-iisip. Isa pa, kailangang may kaharap na abogado ng talikdan niya ang karapatang ito. Upang ganap na maintindihan ng nasasakdal ang kanyang mga karapatan at ang magiging resulta ng kanyang mga ginawa, nararapat din ang representasyon ng abogado. Samakatuwid, hindi naibigay kay Tomas ang karapatang iginagawad ng ating Konstitusyon sa bawat nilalang. (People vs. Decierdo, 149 SCRA 496).