^

PSN Opinyon

ALAY-DANGAL: Kilala ang kanyang kawan

- Jose C. Blanco S.J. -
Ngayon ay Linggo ng Mabuting Pastol. Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, tinatawag ni Jesus na kanyang mga tupa yaong mga nananalig sa kanya. Kilala niya ang kanyang mga tupa. Pinangangalagaan niya sila. Sisiguruhin niyang walang mawawala isa man sa kanila.

Pakinggan natin si Jesus. Nananalig tayo sa kanya. Tayo’y kanyang mga tupa (Jn. 10:27-30).

‘‘Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma’y hindi sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.’’


Nakakapampalubag-loob na marinig ni Jesus na kilala tayo. Na minamahal niya tayo. Bilang isang mabuting Pastol, alam ni Jesus kung ano ang ating mga pangangailangan. Ibinibigay niya ang ating mga kinakailangan. Sisiguruhin niya na ligtas tayong makakauwi sa ating tahanan na kung saan makakapiling natin siya magpakailanman.

Sa harap ng ganitong nakakaligayang mga pag-iisip, kami’y nabagabag ng mga pangyayari noong nakaraang Martes. Maraming mga Pilipino, na naudyukan ng mga maiinit na talumpati, ang kumilos patungong Malacañang upang kanilang pagnanais na maibalik sa poder ng panguluhan si Erap ay mangyari. Datapwat karahasan ang nangyari.

Sinumang nagtatakda ng karahasan sa malakihang paraan ay dapat mayroong plano. Dapat may sapat na bala. At higit sa lahat ay may mga pinunong nagbibigay ng mga utos at sinusunod. Subalit walang mga lider. May mga bato lamang sila na ipinupukol sa mga pulis at mga sundalo. Ang tanging plano nila ay ang paggamit ng pisikal na puwersa.

Ang mga mahihirap na ito ay dapat kahabagan at hangaan. Kahabagan, sapagkat sila’y ganap na nagamit at naabuso ng mga taong walang ibang iniisip kundi ang gamitin sila para sa kanilang gahamang mga balakin. Sila’y dapat hangaan dahilan naman sa kanilang ipinamalas na katapangan. Hindi nila iniisip ang sakit at panganib na kanilang sinusuong.

Subalit ang mas malaking katanungan para sa ating lahat ay: Ang mga ito’y ang ating mga kababayang mahihirap. Ano ang magagawa natin para sa kanila? Ang mga ito ay kawan din ni Jesus. Ano ang nais ni Jesus na gawin natin para sa kanila?

Sinasabi ni Jesus, ‘‘Ang mga ito’y aking mga tupa. Nais kong pangalagaan ninyo sila! Tulungan n’yo sila na maramdaman na sila’y may dangal. Tulungan n’yo silang maramdaman na sila’y mga mamamayan ng isang bansa; na sila’y kabahagi ng Simbahan; na sila’y aking mga kawan. Tulungan n’yo silang makahanap ng katugunan sa kanilang galit. Gumawa kayo ng paraan upang maalis ang kanilang kapaitan.’’

Isipin ninyo kung paano kayo makakatulong. Kumilos ngayon.

vuukle comment

ANO

BILANG

JESUS

MABUTING PASTOL

SA EBANGHELYO

SILA

SISIGURUHIN

SUBALIT

TULUNGAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with