Awit pambotante

Good news sa voter educators. Lumabas na ang unang tatlong kantang magagamit n’yo sa inyong paghimok ng matinong pagboto. Ang gagaling ng pag-awit, ng musika at ng titik. Tiyak, pupukaw ng damdamin ng mga botante para suriin at piliing mabuti ang mga kandidato.

Si Grace Nono ang lumikha at umawit ng ‘‘Eleksiyon Na Naman,’’ katulong ang asawang Bob Aves, Rock na rock. Mapapa-indak kayo.

Aegis Band naman ang bumanat ng ‘‘Hindi Mo Ako Mabibili.’’ Likha ni multi-awarded composer Trina Belamide, presidente ng Katha na samahan ng composers.

Paborito ko ang ‘‘Kaduda-Duda Ka’’ ni Renz Verano. Musika ni Roy del Valle at titik ni Belamide. Tumatagos sa puso ang taghoy. Patama sa mga kandidatong nangangako ng kung anu-ano, maiboto lang.

Pinapatugtog na ang mga piyesa sa radyo. Available rin ang CDs at tapes sa Namfrel office. Puwedeng kopyahin at ikalat, sabi ng nag-produce na Pagbabago@Pilipinas.

Siyam na awit pa ang ire-record ni Belamide, katuwang ang sikat at batikang artists: ‘‘Owe You Nothin’’ ni Radha, ‘‘Count on Me’’ ni Jaya, ‘‘Sa Diyos lang Sasagot’’ ng Razorback, ‘‘Walang Takip, Walang Tinatago’’ ni Mystica, ‘‘Magbabago Ako’’ ng The Company, "Idol’’ (baka si Rufa Mae o Da Pulis ang babanat), ‘‘Walk With God’’ ng South Border, at tig-isang original music nina Jolina Magdangal at Apo Hiking Society.

Ngayon lang magkakaroon ng plaka ng mga awit pambotante at pang-moralidad sa kasaysayan ng musikang Pilipino. Dala ito ng EDSA-Dos. Dati-rati, mga pare’t madre lang ang sumasali sa voter education campaigns. Ngayon, pati mga manunulat, manlilikha at artista. Kasi, natauhan na sila – tayo. Hindi na puwedeng kung sinu-sino lang ang iluluklok sa puwesto, maski lasenggo, babaero, sugarol, magnanakaw o mamamatay-tao. Kailangan, ’yung malinis at mahusay lang, para wala nang EDSA-Tres.
* * *
Lumiham sa Pilipino Star NGAYON o sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments