Ang nangyari kay Myla ay may hawig dito. Noong Hunyo 14, 1975 siya ay nagpakasal kay Ron. Sa loob ng limang taon ay hindi sila nagkaanak ni Myla. Nang magpa-eksamin sila sa doktor ay nalamang baog si Ron. Sa kabila ng kagustuhan ni Myla na magkaanak, tinanggap na lamang niya ang kanyang kapalaran.
Pagkaraan ng tatlong taon, namatay si Ron. Matapos ang pagkamatay ni Ron, nakilala ni Myla si Allan. Sa kagustuhan pa ring magkaanak, nagpakasal siya kay Allan, 90 araw lang ang nakalilipas mula nang mamatay si Ron. Dahil dito, si Myla ay sinampahan ng kaso sa ilalim ng Art. 351 ng bagong Kodigo Penal na nagpapataw ng pagkabilanggo kung ang biyuda ay nagpakasal sa loob ng 301 araw mula sa araw ng kamatayan ng unang asawa. May kasalanan ba si Myla?
Wala. Ang ipinahayag na layunin ng pagbabawal nang sang-ayon sa batas ay upang hindi magkalituhan sa kung sino ang ama ng magiging anak ni Myla. Dahil sa ang namatay niyang asawa ay napatunayang baog o walang kakayahang magkaanak, ang layunin at katwiran ng batas ay hindi makabuluhan at walang batayan. Maaaring pagbasehan ni Myla ang desisyon ng Court of Appeals sa kasong People vs. Masinsin, G.R. 9157-R, Hunyo 4, 1953.