Tatlong taon daw kayong Mayor pero ngayon lang nagkukumahog na magpatayo ng mga kalsada. Teka, teka, hindi ba saklaw iyan ng election ban?
Obvious daw na ibig ninyong humakot ng boto. Pero imbes na boto ang mahakot, ngitngit ng may 1,000 nagtitinda sa public market ang naani raw ninyo.
Ito ay dahil sa balak ni Vergara na magtayo ng P1.5 bilyong mall sa lugar na kinalalagyan ng palengke. Siyempre nga naman, insecure ang mga vendors na silay mapatatalsik sa puwesto nila.
Kakabakaba sila at tight guarding sa puwesto ang ginagawa dahil baka nga naman sadyaing sunugin ang palengke anang ating source diyan.
Isa pang isyung laban kay Vergara ay ang sobrang hilig daw niya na mamili ng mga multi-milyong pisong heavy equipment na puro naman daw segunda mano, anang ating impormante.
Umutang daw sa Land Bank ng P120 milyon para ipambili ng brand new heavy equipment pero ang dumating ay mga pinaglumaan na!
At bakit daw ipinagdidiinan ng alkalde na bayad na ang utang samantalang ang termino sa pagbabayad ay limang taon at humiling pa raw siya ng two year moratorium sa pagbabayad nito.
Magaling pa raw sa "disappearing act itong si alkalde! Madalas daw hindi maabutan ng mga naghahanap sa kanya sa kanyang opisina.
May isang tao raw na pinaghintay ng tatlong oras yun pala ay umeskapo na ang mayor sa isang backdoor sa kanyang opisina.
Totoo kaya Mayor ang sumbong sa akin na mahilig kang magmura at manuntok ng mga tauhan mong nagkakamali?
At bakit daw inaakusahan ni Vergara si dating Mayor Manolette Liwag na siyang dahilan kumbakit nabaon sa utang ang lungsod na P17 milyon lang at yaong P70 milyon ay namana lamang niya sa pinaslang na mayor na si Norie Perez. Bale P87 milyon lang iyan kumpara sa utang ni Vergara na P120 milyon, anang ating impormante.
Ipinagmamalaki pa raw ni Vergara na binayaran niya ang utang ni Liwag gayong wala naman umanong ebidensiya na nabayaran ang naturang utang.
Pero kitang-kita naman daw ng mga taga-lungsod ang mga depekto ni Vergara kaya ngayoy marami umano ang gustong maibalik sa puwesto si Liwag.
Kung ibig sumagot ni Mayor sa mga alegasyong ito, bukas ang ating pitak para bigyan siya ng equal space.