Solusyonan mo ang blackout Mrs. President

Hindi biro ang mga nangyayaring blackout. Sa loob lamang ng ilang buwan, pangatlong blackout na ang naganap at ang huli ay noong Sabado ng madaling araw hanggang Linggo. Hindi lamang Metro Manila ang tinamaan nito kundi halos buong Luzon.

Masasabing salot sa bayan ang kaganapang ito sapagkat maraming perwisyo ang idinudulot nito sa sambayanan maliban sa malaking epekto nito sa ekonomiya at turismo ng bansa. Hindi malaman ng mamamayan kung saan susuot kung kaya’t ang pinutakte ay ang mga malalamig na lugar na tulad ng mga malls at shopping centers.

Maraming establisimiyento ang nalugi lalo na yung may mga produkto na kinakailangan ng refrigeration. Marami ang mga nabulok at nasira. Dahil sa walang kuryente at tubig, nagsara ang mga restaurant at iba pang lugar ng kainan. Sinaraduhan na rin ang halos lahat ng tindahan na hindi mapasukan ng tao sapagkat napakadilim.

Sukdulan na ang ginagawang kahirapan ng blackout sa ating bayan. Hindi na ito dapat isantabi na lamang ng ating pamahalaan. Ang problemang ito ay matagal na dapat hinarap at nabigyan ng solusyon ng mga namumuno ng ating bansa.

Maliwanag na kulang sa kakayahan ang NAPOCOR na gampanan ang nararapat nilang tungkulin. Hindi rin epektibo ang MERALCO sa pagpapalaganap ng kung ano ang pangangailangan ng bayan. Sa simpleng salita, ang mga ito ang problema. Matagal na itong alam ng pamunuan ng ating gobyerno. Ang kailangan lamang ay matibay na desisyon at mabilis na aksyon. Hindi pa huli ang lahat. Si President Gloria Macapagal-Arroyo ang may hawak ng kasagutan dito.

Show comments