GMA di naiba kay Erap kung jueteng ang pag-uusapan

MAY namumuong iringan sa Department of Interior and Local Government (DILG) na kung hindi papansinin ni Interior Secretary Joey Lina ay maaaring maapektuhan ang kanyang malawakang kampanya laban sa jueteng.

Sinabi ng aking espiya na ang iringan ngayon sa DILG ay kinasangkutan ng mga graduate ng Philippine Military Academy (PMA) at non-PMAers. Ito ay ang grupo ni Supt. Raul Castañeda, hepe ng Task Force Jericho at sa kabilang pangkat naman ay sina Supt. Delfin Genio at isang abogadong ang apelyido ay Morga. Sina Genio at Morga ay kasama ni Lina ng siya’y gobernador pa ng Laguna, anang aking espiya.

Kung tutunghayan sa diyaryo, itong grupo ni Castañeda ay walang humpay na nagsasagawa ng raids sa mga jueteng dens sa buong bansa at marami na nga silang nasagasaan. Ang siste may natuklasan sila laban sa grupo nina Genio at Morga na inireport naman nila kay Lina. Ano kaya ’yon? Siyempre, umalma ang grupo nina Genio at Morga at ang siste nga kinampihan pa sila ni Lina matapos ang isang meeting na kinasangkutan ng dalawang grupo. Sobra ang lakas nina Genio at Morga ’no? Tungkol kaya sa paglabag ng ‘‘no take policy’’ ang inireport ni Castañeda?

Kahit nakausap na ni Lina ang magkabilang grupo tuloy pa rin ang iringan nila na kung hindi mapipigilan ay lalaki ito at mawawalan ng saysay ang lahat ng patutsada ni Lina laban sa jueteng. Sina Genio at Morga kaya ang dahilan kung bakit tuloy pa ang operasyon ng jueteng sa iba’t ibang bahagi ng bansa? Maaaring guwapong tingnan sa TV at diyaryo itong si Lina nang mag-utos siya ng ‘‘all-out war’’ laban sa jueteng pero mukhang panay ‘‘cosmetics’’ lang pala ’yon. Nitong mga nagdaang araw, mukhang ang kautusan niya ay para magkaroon lamang ng shield ang pamahalaang Arroyo para hindi nga sisihin sa jueteng issue tulad ng napatalsik na si Presidente Estrada.

Hindi na mangmang ang mga tao ngayon, lalo na ang kabataan. Lahat ay nagbabantay at ang impresyon nila wala ring pagkaiba itong administrasyon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa pinalitan niyang lider kung jueteng ang pag-uusapan.

Ang naiiba lang naglinis-linisan itong liderato ni GMA samantalang si Erap ay masyadong bulgar. Sinabi ng aking espiya na balik sa dating gawi ang ‘‘orbit’’ o pangungolekta ng DILG, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Capital Regional Police Office (NCRPO) at lokal na pulisya sa jueteng. At ang nakulimbat na pera ay ginagastos ngayon ng administrasyon ni GMA sa eleksiyon.

Ang sambayanan na ang maghuhusga sa liderato ni GMA sa Mayo 14 at sinisiguro ko mababasura ang hinihiling niyang 13-0 para sa kanyang mga manok sa Senado.

Show comments