Ayon sa kanila, tama lang ang akusasyon ni dating Presidente Estrada na itong grupo ni GMA at mga nakapaligid sa kanya ay mahal lamang ang mga mayayaman sa Makati City at ang kapakanan nila ay hindi mabibigyang pansin pa.
Sinabi ng mga mahihirap na aking nakausap na gusto rin nilang suportahan itong kampanya ni GMA laban sa jueteng subalit hindi sa panahon ngayon na walang umiikot na pera dahil walang gustong pumasok para mag-negosyo sa bansa na naubusan ng pondo sa liderato ni Estrada.
Ang tanong ng mga mahihirap, kung masasara ang jueteng at iba pang sugal, may trabaho bang maibibigay si GMA sa kanila para mapakain nila ang kani-kanilang pamilya?
Inaamin ng mga mahihirap na sa pangungubra lamang sa jueteng at ilan pang sugal ang tanging nakakatulong para makakuha sila ng pampatawid gutom para sa kani-kanilang pamilya. Sa ilegal na negosyong ito, ang mga mayayaman sa Makati City ay hindi apektado dahil may sari-sarili silang mga negosyo. Kapag nagkataong masara nga ang jueteng at wala namang maibigay na trabaho sa kanila itong si Arroyo, nagbabanta ang mga mahihirap na gagayahin nila ng nangyari sa Indonesia kung saan sapilitang pinasok ng mga gutom na mamamayan ang mga tindahan at pinaghahakot ang mga paninda roon.
Hindi umano sila natatakot mamamatay kung ’yun lang ang paraan para mabigyan nila ng kalutasan ang umiiral na kagutuman ng kani-kanilang pamilya. Kung sabagay, parang hindi masyadong pinag-aralan ng liderato ni GMA ang isyung ito bago sila magsagawa ng malawakang kampanya laban sa jueteng at iba pang mga sugal.
Marami ang nakikinabang dito, at hindi lamang ang mga pulitiko na sa tingin ko ang siyang unang target ng pamahalaan ni GMA. ’Ika nga nag-backfire kaagad ang kanilang kampanya dahil hindi naman nila kinunsulta ang lahat ng sektor ng lipunan bago isagawa ito.
Ang tanong ng mahihirap, bakit itong si Val Adriano, ng Makati City, na tinaguriang jai alai bookies King ng Metro Manila ay hindi magalaw-galaw ng pamahalaan ni GMA hanggang sa ngayon? Takot ba sila kay Val Adriano o may koneksiyon lang ito sa kanila?
Babantayan natin kung ano talaga ang intensiyon ni GMA sa kontrobersiyal na kautusan niyang ito. Baka naman tulad lang ito ng ‘‘no take policy’’ ng pamahalaang Estrada para maitago ang milyun-milyon niyang tong sa jueteng?