Sa cross examination naman ng depensa, pinalitaw nito lalo ang katotohanan at nagmistula tuloy itong classroom ng mga law students. Kahit pagbali-baligtarin man ng depensa ang tanong, lalo pa ring pinanindigan nito ang kanyang mga isiniwalat. At sa kahirapan din ng kaunawaan sa operasyon mismo ng stock exchange, pinaikot na lamang ang mga tanong dito.
Upang patibayin ang kanyang testimonya, tinawag ng Prosecution ang dating Presidente ng PSE na si Jose Yulo. Wala pa ring nagawa ang depensa sa mga ipinahayag ni Yulo. Kinumpirma nito ang mga senyales na ginawa ni Estrada sa diumanoy pag-aayos daw ni Yasay kay Tan sa nasabing anomalya.
Hindi pa man nagsasalita si dating Chairman Yasay o tapos ang Artikulo III, napakalinaw na ng pruweba sa maaring paglabag ng Presidente sa nasabing probisyong Konstitusyon.
Lalong sinusubaybayan ng publiko ang paglilitis kay Estrada. Marami pa ring mga pagsisiwalat at ebidensiya ang magdidiin sa kanya. Kayat ang panalangin ng taumbayan sa mga senador ay bigyan sila ng ating Panginoon ng tamang direksyon, kaunawaan, karunungan at pagtataguyod sa katotohanan para sa kapakanan ng ating bansa.