Hindi naman kataka-takang sa mga pangakong ito ni Estrada ay marami pa rin ang hindi naniniwala. Hindi naman sila masisisi sapagkat marami na ring pagkakataon na nangako si Estrada subalit hindi naman natupad. Kumbaga’y mahirap nang pagtiwalaan ang isang taong mahusay lamang sa pagsasalita subalit hindi naman gumagawa ng aksiyon. Maganda sanang pagkakataon na sinimulang repormahin ni Estrada ang sarili nang ihayag ni Laquian ang "midnight cabinet". Subalit hindi niya ginawa. Ang ginawa ni Estrada ay sinibak si Laquian. Dapat ay nagpasalamat pa siya kay Laquian. Kung hindi dito ay baka hindi niya maisip magsagawa ng pagbabago ngayong 2001. Dapat ay inipon niya ang mga butil na isinabog ni Laquian sa kanyang buhay.
Ngayong nahaharap sa apat na kaso si Estrada, ay saka siya nagpupumilit na magsagawa ng mga pagbabago. Kakatwa ring ngayon siya nagising at masigasig sa pagbisita sa mga mahihirap na lugar sa malalayong probinsiya. Bago nagpalit ang taon ay sa Puerto Princesa City, Palawan siya nagpunta at nakihalo sa mga mahihirap doon. Sa bawat binibisitang lugar ay nagpapaliwanag siya tungkol sa mga kasong pinasabog sa kanya ng kaibigang si Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson. Malinis aniya ang kanyang konsensiya at wala siyang tinanggap kahit isang sentimo. Nakamangha naman ang mga mahihirap sa bawat pagpapaliwanag na ginagawa niya.
Maniniwala lamang marahil ang taumbayan kung makagagawa ng himala si Estrada na mahango sa kahirapan ang masa, walang naaapi, nakakamit ang mga serbisyo ng pamahalaan, mabuting pamumuno na malayo sa mga kaibigan at kamag-anak. Kung hindi niya magagawa, babalik sa kanya ang mga paborito niyang linya na "pupulutin sa kangkungan."