Ngayong nakasadlak sa kahirapan ang buhay ng mga Pilipino na pinalalala ng political crisis, ang mga batang lansangan na dapat sanay nabibigyan ng pansin ng pamahalaan ay wala nang puwang. Nalilimutan nang ganap dahil sa walang direksiyong pamumuno at pagkakasabit sa kung anu-anong anomalya. May mga plano bang inihahanda para sagipin ang mga daan-daang street children? Nasaan na ang mga pangako ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lilinisin ang mga lansangan sa mga nagkalat ng batang pulubi at dadalhin ang mga ito sa isang desenteng tahanan upang muling buuin ang nawasak nilang buhay. Bigo ang pamahalaan at ngayong nasa krisis ang bansa lalo nang malabo ang landas ng mga bagong niños inocentes.
Kung may pinunong magagawi sa kahabaan ng Rizal Avenue, kung gabi, makikita roon ang mga niños inocentes na sumisinghot ng rugby. Ang ilan ay parang kalansay na nakahilata sa may mga durang semento at mapupula ang mga mata. Sa ilalim ng LRT at mga overpass ay maraming namumugad na niños inocentes na matapos magdurog ay gumagawa na ng karahasan. Tuyo na ang kanilang utak at unti-unti nang nasisira ang bukas. Nagaganap ito maski sa araw at walang pinuno ng bayan na dumarating para silay tulungan.
Apat na araw na lamang at 2001 na. Walang pagkakaiba sa masamang tanawin ang patuloy na paggala ng mga durog na niños inocentes sa lansangan. Walang pangitain na mahahango sila sa daigdig na kinalalagyan. Ang pangako ng administrasyon ay hindi na natupad. Ngayoy lalo nang walang makita ang pinuno sapagkat nakakaladkad sa kung anu-anong anomalya. Dadami pa ang mga niños inocentes kung walang pinunong makadarama ng kanilang damdamin. Kailangan nila ay pinunong magmamahal sa mahihirap at hindi sarili ang iintindihin.