Ang mga depensang ginagamit ng mga abogado ni President Estrada ay hindi nakabatay sa Saligang Batas, kundi sa Rules of Court kung saan nakasaad ang mga probisyon sa proseso ng paghuhusga sa hukuman. Ginagamit nilang batayan ang mga teknikalidad ng batas sa paglilitis ukol sa ebidensya at pagpruweba. Ngunit ang batas na ito sa proseso at pagpapatunay ay dapat ipataw na may liberal na pananaw upang tunay na magkaroon ng lohikal at makatuwirang batayan ang mga Senator-Judges sa pagtakda ng katotohanan na basehan ng kanilang desisyon. Sa katunayan, karamihan ng mga Senador ay hindi abogado, at karamihan ng mamamayang sumusubaybay ay hindi rin abogado.
Kaya’t ang dapat na maging batayan ng katotohanan ay ang lohikal at sirkumstansiyal na pagkakasunud-sunod ng testimonya at ebidensiya, na malinaw na tinutukoy ang Presidente. Hindi magiging sapat ang naririnig natin sa depensa na nagsasabing hindi totoo ang isang alegasyon dahil walang kredibilidad ang isang testigo, gayong hindi rin naman nila sapat na napatunayan sa kanilang cross-examination na ito ay nagsisinungaling.
Ang Saligang Batas ay nakabatay sa Katotohanan na siyang pinoprotektahan ng mga gumawa at nagpatibay nito – ang taumbayan. Hindi maaaring gamitin ito upang makapagtago ang mga depensa sa teknikalidad.