Sabi ng iba, imposible raw na Disyembre 25 ang kapanganakan ni Jesus dahil ayon sa Bibliya, may mga nagpapastol ng kanilang tupa na nakarinig sa mensahe ng mga anghel tungkol sa pagsilang ni Jesus.
Ang Disyembre raw sa Jerusalem ay napakalamig at nagyi-yelo kaya’t walang puwedeng magpastol.
May mga nagsasabi naman na hindi dapat ipagdiwang ang birthday ni Jesus dahil Biblia ang may sabi na huwag pahalagahan ang ano mang araw na mas importante kaysa ibang araw.
But for the sake of scholarly argument, kailan ba talaga ipinanganak si Jesus?
Sa tingin ko’y may inconsistency sa kasalukuyang pagdiriwang ng Pasko.
Sa kalendaryong Kristiyano, ngayo’y taong 2000 AD na ang ibig sabihin ay year of our Lord.
Nangangahulugan na pinaniniwalaan nating si Jesus ay isinilang 2,000 taon na ang nakakaraan. Di ba dapat ang simula ng pagdiriwang ng year of our Lord ay Enero 1 taong 1?
Eh bakit ipinagdiriwang ang kapanganakan ng mesiyas sa huling buwan ng taon? Malaking inconsistency iyan di ba?
Pero huwag na tayong magtalo.
Ang kultura ay mahirap baguhin lalo pa’t may kinalaman sa relihiyon. Ngunit sa palagay ko’y tama ang sinasabi ng Biblia na huwag ituring ang isang araw na mas mahalaga kaysa iba.
Kung susuriin nati’y may lohika ang tagubiling ito. Nais ng Panginoon na gunitain natin siya araw-araw at hindi lamang minsan isang taon.
Ang siste pa, ipinagdiriwang nga natin ang Pasko minsan isang taon pero hindi naman si Jesus ang sentro ng pagdiriwang kundi materyal na bagay tulad ng bonus, aginaldo at kasiyahan.
Tama. Ang Pasko’y pagbibigayan. Pero higit sa materyal na bagay, alalahanin natin ang dakilang aginaldo ng Diyos. Ang anak niyang si Jesus na walang pag-iimbot niyang ibinigay sa atin bilang korderong isasakripisyo alang-alang sa ating kaligtasan.
Maligayang Pasko sa inyong lahat.