Noong Sabado ay pinabulaanan ni Estrada ang kanyang mga sinabi. Wala umano siyang direktang kinalaman sa Amerikanong nagtatrabaho sa kanya bilang consultant. Hindi umano siya sigurado kung tinanggap ni Bograd ang P5 milyong tseke na ibinigay ni Singson. Hindi umano niya sinabing tinanggap ng consultant ang pera. "Somebody only told me but I never admitted to anything," sabi pa ni Estrada.
Lumalalim nang lumalalim ang kaso at kung sinu-sino na ang nakakaladkad. Pinagtatalunan ang tungkol kay Valhalla at ngayo’y may pagbabago sa mga pahayag tungkol kay Bograd. Habang nagtatagal ay nalilito naman ang taumbayan kung sino ba ang nagsasabi ng totoo. Minsan nang nanahimik si Estrada sa unang bigwas ni Singson na nagdala ito ng P200 milyon sa Malacañang. Itinanggi ito subalit sa katagalan ay inamin din ni Estrada na ang P200 milyon ay para raw sa Muslim Youth Foundation. Donasyon umano subalit hindi rin alam ng pinagbigyan na iyon ay galing sa jueteng. Ano pa ang susunod na itatanggi na lalong lamang naglulubog sa sarili?
Pero sa isang banda ang isang katotohanang makikita rito ay ang pagbibigay ni Singson ng pera mula sa jueteng. Aminin man o hindi ni Estrada, nakadilat na ang katotohanang lalong tumibay ang mga ikinukumpisal ni Singson na nagbibigay siya ng pera kay Estrada. Ito ang maliwanag na nakikita ng taumbayan. Ang katotohanan ay unti-unti nang nangingibabaw.