Ang pangarap ng magsasaka ay ang kaisa-isang anak na lalaki ang magpatuloy ng kanilang kapehan. Nararamdaman niyang hindi na siya magtatagal dito sa mundo dahil sa may sakit sa puso. Ang pag-asa niya ay makumbinse ang kaisa-isang anak na lalaki na magsalba ng kanilang kapehan. Ang apat niyang anak na babae ay nakapagtapos sa kolehiyo pero sa Maynila na naninirahan.
Ang natapos ng anak na lalaki ay komersyo at walang hilig sa pagsasaka.
"Anak, ito ang iyong hinaharap. Ang kailangan mo lang gawin ay maghintay sa biyaya ng Diyos sa kape," paulit-ulit na sinabi ng matandang magsasaka.
Pumayag ang anak.
Hanggang sa atakihin sa puso ang ama at namatay. Itinuloy ng anak ang pagkakape. Napakamahal ng bayad sa magdadamo, mag-aabono at mamimitas ng kape. Pati pataba at gamit laban sa kulisap ay napakamahal.
Tatlong taong sunud-sunod pang dumaan ang malakas na bagyo. Sinundan pa ng may tatlong taon naman ng tagtuyot. Nasunog ang mga bulaklak ng kape sa init kaya halos walang maani. Anim na taon na pagkalugi. Pati utang sa banko ay hindi mabayaran.
Sa inis ay pinaputol nito ang mga puno ng kape at nagtanim ng paminta.
Subalit sa sumunod na taon ay napakaganda ng ulan. Naging mabunga ang mga kape at apat na beses ang ani. Tumaas ang presyo ng sampung beses. Hinayang na hinayang ang magsasaka. Sana ay hindi muna ipinaputol ang mga tanim na kape.