Ano'ng misyon ni JJ ?

Noong Biyernes, isang photo ang isinumite sa akin ng atin lensman na si Edd Gumban.

Larawan ito ng isang malaking phallic symbol (rebulto ng ari ng lalaki) na may umaagos pang likido.

Ang naturang ‘‘ari-arian’’ ay yapos-yapos ng isang babaeng modelo na hubad ang pang-itaas at nakalabas ang mala-papayang dede na ang nipples ay kinulayan ng pulang lipstick.

Sa bandang kanan ay nakatayo’t nakangisi ang kontrobersyal na Konsehal ng Pasay na si Justo Justo, lalung kilala sa palayaw na JJ.

Ang reaksyon ko’y ibasura ang nakadidiring larawan. Masyadong mahalay. Hindi mo kailangang maging pari, pastor, madre, manong o manang para sabihin mong ito’y kalaswaan.

Misyon ni JJ na sugpuin ang paglaganap ng AIDS. Magugunita na noong isang taon ay nagpakawala naman ng isang lobong korteng ari ng lalaki si JJ upang bigyan ng emphasis ang kanyang kampanya laban sa AIDS.

Tapos, ipinanukala pa niya ang pagtatayo sa Pasay ng rebulto ng AIDS victim na si Sara Jane Salazar at ngayo’y ibig niyang ipangalan sa yumaong biktima ng AIDS ang isang lansangan sa lungsod.

Okay mangampanya kontra sa nakapanghihilakbot na sakit na ito. Pero sa pamamaraang ginagamit ni JJ, nagdududa ako kung ang kampanya niya ay against AIDS or for promiscuity.

Hindi lahat ng tao’y level-headed. At ang ilantad sa publiko ang isang babaeng hubad na nakayapos sa higanteng ari ng lalaki na may tumutulong likido ay hindi naghahatid ng sindak sa tao para umiwas sa illicit sex. Bagkos lalu pang nakahihikayat ito sa tao na sundin ang pita ng laman.

Sa panahong ito, sadyang dapat maging AIDS conscious ang tao dahil nakababahala ang pagkalat ng sakit na ito. Ayon sa ulat, marami na ang namamatay sa sakit na ito sa China at ang AIDS ay itinuturing nang nasa epidemic proportion sa naturang bansa.

Wala na bang ibang maisip na paraan si Konsehal para mai-dramatize ang pakikibaka niya sa AIDS? Sa tingin ko, bagama’t nilalabanan niya ang AIDS ay nagpo-promote naman siya ng kahalayan sa presentasyon ng kanyang kampanya.

Unang-una, ang Pasay, ever since I can’t remember ay bantog na sa pagiging pugad ng panandaliang aliw. Dapat siguro’y iyan ang unang bakahin ni JJ dahil hangga’t umiiral ang sex market, hindi maaapula ang pagkalat ng iba’t ibang sex-related diseases.

Sa ganang akin, isa lang ang pinaka-epektibong paraan ng pag-iwas sa AIDS: Ang pagiging tapat ng mag-asawa sa isa’t isa kahit sabihin pang ang sakit ay hindi lamang nakukuha sa pagtatalik.

Ang mga nagkaroon ng AIDS dahil sa blood transfusion o iba pang paraan na hindi dahil sa sexual promiscuity ay higit na kalunus-lunos dahil sila’y nadamay lamang ng mga taong mahahalay ang way of life kung kaya’t dinapuan ng ganitong karamdaman.
(email: alpedroz@hotmail.com)

Show comments