Parati kong binabasa ang inyong column dito sa Pilipino Star NGAYON. Marami po akong natututunan sa inyo kayat nais ko sanang ihingi ng payo ang nangyari sa aking ninong na isang mayor.
Si Ninong po ay nanalo muli bilang mayor dito sa aming lugar para sa kanyang ikatlong termino nitong nakaraang halalan. Subalit nagreklamo po ang kanyang kalaban sa politika na meron daw dayaan sa bilangan ng boto kaya nagsampa sila ng reklamo sa COMELEC. Habang wala pang resulta ang imbestigasyon ng COMELEC, patuloy na nanungkulan si Ninong at masaya naman ang mga taumbayan sa kanyang performance. Subalit sa kalagitnaan ng kanyang termino, lumabas po ang resulta ng imbestigasyon at tinanggal si Ninong sa kanyang puwesto.
Sa gaganaping halalan sa susunod na taon, gusto muling tumakbo ni Ninong bilang mayor.
Maaari pa bang tumakbo bilang mayor si Ninong gayong hindi naman niya nakumpleto ang kanyang ikatlong termino? Marami pong magagandang proyektong naiwan si Ninong na nasasayang lamang dahil hindi na ipinagpatuloy. Maaari ba tayong magkaroon ng batas na dapat ipagpatuloy ng mga susunod na opisyal ang mga magagandang proyektong sinimulan ng mga nauna sa kanila?
Ayon sa ating Saligang Batas (Art. X, Sec. 8) ang termino ng isang nahalal na lokal na opisyal ay tatlong taon lamang at hindi siya maaring manungkulan ng labis sa tatlong sunud-sunod na termino.
Ang Korte Suprema ay sumusuporta sa desisyon ng COMELEC sa kaso ni Borja Jr. vs. COMELEC. Ayon dito, ang serbisyo ng mga lokal na opisyal ay para lamang sa tatlong sunud-sunod na termino na resulta ng eleksiyon.
Ang kahulugan nito ay maaaring tumakbo pa ang iyong ninong dahil siya ay tinanggal sa puwesto ng COMELEC sa dahilang talo siya sa eleksiyon. Kayat ang pagkaupo niya ay hindi mabibilang na termino.