EDITORYAL - Huwag hadlangan ang trial

Hindi iilang beses sinabi ni President Estrada na gusto na niyang maumpisahan kaagad ang paglilitis upang maipagtanggol niya ang sarili at malinis na ang kanyang pangalang nadumihan dahil sa jueteng scandal. Malinis aniya ang kanyang konsensiya at isa-isa umano niyang sasagutin ang mga akusasyon o mga kasong isinampa laban sa kanya. Sinabi pa nitong tigilan na ang mga batikos sapagkat nakasampa na sa Senado ang complaint at doon na lamang niya ito sasagutin. Wala naman aniyang katotohanan ang mga isinampang kaso laban sa kanya. Nakatakdang magsimula sa December 7 (kung hindi magkakaroon ng kung anu-anong aberya) ang trial. Inaabangan na ng mga Pilipino, maging ng mundo ang pagsagot ni Estrada.

Subalit sa takbo ng mga pangyayari ay nagiging malabo ang mga sinabi ni Estrada na sagutin ang mga paratang sa kanya upang tuluyang malinis ang kanyang pangalan. Ito ay sapagkat siya na rin mismo ang nag-uutos sa Senado na ibasura ang impeachment complaint laban sa kanya. Ang unang hakbang para mabasura ang kaso ay nang magsampa ng motion to dismiss ang kanyang mga abogado noong Biyernes. Sinabi ng mga abogado ni Estrada na maraming nilabag na procedures ang impeachment complaint nang isampa ito sa Senado noong November 13. Marami umanong "butas" bukod sa mahina umano ang mga ebidensiyang iniharap laban kay Estrada. Pagkatapos kaya ng mga nakitang "butas" ay ano pa ang susunod na makikita ng mga abogado ni Estrada?

Kahit na karaniwang mamamayan ay magkakaroon ng hinala sa ginagawang ito ng mga abogado ni Estrada. Ang paghaharap ng motion ay isang paraan upang maantala ang trial at abutin nang matagal sa Senado hanggang sa unti-unti nang malimutan ng taumbayan ang isyu. Ang mamamayang naghihirap ay madaling makalimot lalo pa’t pangangakuan ng kaginhawahan, ng lupa’t bahay at kung anu-ano pa. Aabutan ng eleksiyon at matatabunan ng iba pang mga isyu. Hanggang sa ang mga ibinulgar na katiwalian ay ganap nang malilimutan. Taktikang malinaw na ang pagsasampa ng motion ng mga abogado ni Estrada ay upang patagalin at ibitin lamang ang trial.

Kung totoo si Estrada sa kanyang mga sinabi na sasagutin ang mga akusasyon, dapat niyang payuhan ang kanyang mga abogado na huwag nang ibitin pa ang pagsisimula ng trial. Kung talagang malinis ang konsensiya hayaang masunod ang itinakdang trial. Sa ganitong pamamaraan lamang lubusang matatahimik ang sambayanan na naghahanap ng katotohanan. Hayaang manaig ang hangaring ito.

Show comments