Para magpaalam sa asawa ay tinatapik lang ang balikat at bahagyang ngingiti. Pag dumarating mula sa bukid ay tatanggalin ang sombrero at ikakaway pero hindi umiimik. Sa mga anak, karaniwan ay tatapikin ang ulo o bumbunan at iyon na ang pagbati nito.
Hindi nakapagtataka na ang panganay na anak na lalaki ay naging katulad ng ama. Wala rin itong imik. Kaya ang anak ay tinawag na Batang Bato.
Tinanggap ng buong nayon ang ugali nang mag-ama na parehong tahimik. Wala naman silang iniistorbo at hindi namimirhuwisyo.
Subalit nagimbal ang lahat nang biglang maging matabil si Batang Bato. Hindi maipaliwanag at hindi maunawaan ng lahat ang biglang pagbabago. Mula sa pagiging tahimik ay naging masalita. Himala sabi ng mga nakararami.
Napansin ng mga taga-nayon ang pagkakaiba nang mamatay ang ina.
Nang tanungin si Batang Bato ay ito ang kanyang sagot, "Bago namatay si Inay sinabi ni Itay ang kanyang pagmamahal. Noon lang naibulalas ang kanyang pakiramdam. Napaluha si Inay sa saya at lahat ng ito ay aking nasaksihan.
"Bago tuluyang pumanaw si Inay ay may huli siyang habilin sa akin. Sinabing Anak, huwag mong tularan ang iyong ama na sa dakong huli na nagsalita. Huwag kang magkakamali na bigyan ng bulaklak ang iyong asawa pag nasa libingan na at hindi na makaamoy ng bulaklak."