Noong una ay tinanggap ng mga magsasaka na pangkaraniwan ang pag-atake ng mga daga sa kanilang bukid. Pero sa halip na mawala ang mga daga, lalo pang dumami. At parang nagsilaki na parang kasing laki ng pusa. Pati mga kamalig ay pinasok ng mga ito.
Nang dumating ang mga ahente ng pamahalaan ay wala ring nagawa. Dumami pa rin nang dumami at nagsilakihan. Ang ibinigay na lason ay hindi umepekto sa mga daga. Ayaw mamatay bagkus ay nagsirami pa.
Mabuti na lang at may naisip na maganda at epektibong solusyon ang mayor ng bayan. Para sa darating na fiesta ay pipili ng reyna. Sa halip na balota ay bibilangin ang dami ng buntot ng daga. Ang pinakamaraming buntot ang tatanghaling reyna ng fiesta.
Masigasig na nagsipatay sila ng mga daga para makuha ang buntot. Dalawampung nayon at bawat isa ay may kandidato. Nagdagsaan ang saku-sakong buntot ng daga.
Epektibong paligsahan at tugon din sa pesteng mga daga. Napansin na talagang umpisang humupa ang dami ng mga daga.
Pero isang bagay ang hindi nila maunawaan. Ang pinakamaliit na nayon ang siyang may pinakamaraming sinumiteng buntot ng daga. Kaya nga ang kandidato nila ang nanalong reyna ng fiesta.
Sinadya ng mayor ang nayon para magpasalamat at para maunawaan ang dahilan sa dami ng buntot ng daga na nalikom.
Simple lang ang paliwanag: Bawat magsasaka ay nag-alaga ng mga daga para madaling dumami. Sa ganitong paraan ay nakalikom sila ng laksa-laksang buntot ng daga.