Hindi lamang ang mga mamamayang Pilipino ang nag-aabang dito kundi ang buong mundo at masama ang magiging epekto nito kung limitado lamang sa PTV 4 ang pagko-cover. Sa isang pakikipag-meeting na ginawa noong Huwebes ni Senate President Aquilino Pimentel sa director ng Senate Public Information, ang PTV 4 lamang umano ang magko-cover at ang mga video ay ipamumudmod na lamang sa mga pribadong TV stations. Hindi sinabi kung ano ang dahilan kung bakit PTV 4 lamang ang papayagang mag-cover.
May katwirang sabihin ni dating President Aquino na bantayan ng taumbayan ang bawat galaw sa impeachment trial. Marami ang kahina-hinalang kilos na maaaring mangyari habang ginagawa ang trial. Lalo nang nakapagdaragdag ng hinala ang mga sinabi o "hulang" ipinahayag ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na nakatitiyak na ng acquittal si Estrada. Sinabi ni Santiago na walong senador ang bumubuo ng "core group" upang mapigilan ang conviction ng Presidente.
Sa mga hulang ito ni Santiago nararapat na makita ng taumbayan o mundo ang bawat galaw sa Senado. Walang dapat makaligtas sa kanilang paningin o pandinig habang ginagawa ang trial. Ang proposal na isang TV channel lamang ang mag-cover ay hindi dapat payagan ni Pimentel sapagkat masama ang magiging epekto nito at makapagdaragdag lamang sa nagbabagang damdamin ng taumbayan. Hindi magiging patas sa lahat.
Kung ang media ay magiging problema at maaaring "makabutas" sa patas na trial dapat nang payagan ang lahat na makapag-cover dito. Hindi bat gusto ni Estrada nang mabilis at patas na paglilitis upang malinis ang kanyang pangalan, kung gayon hayaang makita ito ng taumbayan at ng mundo sa lahat ng TV channels, mapakinggan sa radyo at mabasa sa mga pahayagan.