Ang mga nasa Oposisyon pilit na gigibain ang administrasyon ni President Estrada, hindi makapaghintay nang eleksiyon sa 2004, kung kailan nakataya ang pinakamataas na posisyon ng bansa. Dalawang taon na silang wala sa poder, malungkot din, walang kita, walang pribilehiyo at higit sa lahat nawili na sa pagpapasasa sa pera ng bayan.
Ang mga kakampi naman ni President Estrada, lalaban din siyempre dahil malapit na ang halalan sa lahat ng posisyong mas mababa sa Vice President. Bakit sila bababa sa poder, sila yata ang nakaupo ngayon.
May iba pa riyan, nakikigulo rin, baka magpatawag ng snap election di puwede ng kumandidato sina Sen. Raul Roco at iba pa riyan na hindi makapaghintay at nangangarap nang mapuwesto ng mas maaga.
Lahat po ito pulitika lang, imbes na makatulong makasisira lang. Ang masakit lamang, walang ibang masisira rito kung hindi ang ordinaryong mamamayan. Mga mamamayan ang pakikialam lang sa pulitika ay bumoto, mayroon nga riyan ayaw ng bumoto. Pagkatapos ng botohan, balik sa dating gawain. Kinalimutan na ng mga pulitikong mapagsamantala, ang masakit, 90 percent ng mga pulitiko ay ganito.
Yung mga nasa kaliwa naman at nasa kanan, alam na nating lahat kung ano ang plano nila. Alisin ang ating demokrasya. Ang kaliwa ay upang tayo ay maging bansang Komunista at ang kanan ay para tayong maging isang diktadura na ang mamalakad ay mga heneral na ipipilit ang kagustuhan sa pamamagitan ng baril.
Ang simbahan naman, kailangan ipakitang malakas pa rin sila. Pagkatapos matalo ng kanilang kandidato ng dalawang sunod na termino, una noong matalo ang yumaong Speaker Ramon Mitra Jr. kay dating President Ramos at ngayon ng talunin ni President Estrada ang kasalukuyang DILG Sec. Alfredo Lim. Kailangan nilang patunayan na makapangyarihan pa sila. Talagang magulo at guguluhin pa yan, ugali na natin kasi yan. Hindi tayo nagkakaisa, pero ipaliliwanag ko iyan sa susunod na kolum.