Paanong ang dalawang matalik na magkaibigan ay magiging mortal na magkaaway?
Ganito ang salaysay ng isa kong kaibigan na may nalalaman hinggil sa gusot na ito. Bahala kayo kung maniwala o hindi.
Si Singson daw ang may kontrol sa mga ilegal na sugal sa Northern Luzon at linggo-linggoy nagre-remit ng P10 milyon kay Estrada.
Pero pumasok sa eksena si Presidential gambling buddy Atong Ang para gumawa ng intriga kaugnay ng intrega ni Singson.
Pare, dinididal ka ni Chavit ani Atong kay Erap.
At nakinig nang mabuti ang Pangulo sa sumbong ni Atong. Pare, dapat hindi kukulangin sa P30 milyon ang remittance sa iyo ni Chavit, ani Atong kasabay ng pagsuma sa kabuuang kinikita ng mga juetengang kontrolado ni Chavit.
Siyempre, nagalit daw si Erap kaya magkasama silang nag-iisip ng paraan ni Atong para mawala sa eksena si Chavit.
Diyan nabuo ang Bingo 2-Ball, isang legalized form of gambling na ipinailalim sa PAGCOR at sa direktang pamamahala ni Atong.
Pangalan lamang ang binago at na-modify ng kaunti ang sistema pero jueteng pa rin na nakakubli sa maskara ng pagiging legal.
Diyan daw sumama ang loob ni Chavit porke tuluyan siyang naglaho sa eksena at natepok ang kanyang jueteng operation.
Ngunit may isa pang bersyon ng istorya. Gumagawa ngayon ng paglalantad si Chavit dahil daw nagsisisi na siya sa kanyang mga nagawang pagkakasala, ayon sa aking source.
Nagkaroon daw ng mild stroke si Chavit at ipinagdasal ng mga kaibigan niyang born again Christians. Umigi raw si Chavit, tumanggap sa Panginoon at nangakong tatalikdan na ang lahat ng ilegal na ginagawa niya.
Ano pa man ang totoo sa bagong eskandalong ito, matinding dagok iyan sa Estrada administration na patuloy na bumabagsak ang kredibilidad.