Kapag hindi nasawata ni Estrada itong dalawa niyang bataan, mangangahulugang wala rin siyang kakayahan na ang buong sambayanan, na hilong talilong sa kasalukuyan dahil sa sobrang mahal ng bilihin, ay mapag-isa niya. Alam naman ng lahat na ang away nina Singson at Ang ay nag-uugat sa milyun-milyong pera. Si Singson, ayon sa aking espiya, ang nagpapalaganap ng ilegal na jueteng sa Norte at ito namang si Ang ang nasa likod ng Bingo 2-Ball.
Isang malaking isyu ang tinuran ni Singson noong nakaraang araw na ang Malacañang ay nakikinabang sa jueteng. Kinumpirma lamang ni Singson ang matagal ng haka-haka na may mga opisyales nga sa gobyerno na malaki ang tinatanggap na salapi sa mga gambling lords. At kung ibubunyag nga ni Singson ang mga ebidensiya niya ukol sa disbursement ng pondo ng jueteng, maaari itong maging sanhi ng economic backlash at makadagdag pa sa pagpababa ng halaga ng piso laban sa dolyar.
Sa tingin ko, itong si Singson ay natalo sa power play laban kay Ang. Sinabi ng aking espiya na ginawa lahat ni Singson ang kanyang makakaya upang mapigilan ang operasyon ng Bingo 2-Ball. Subalit nabigo siya. At dahil dito, tumapang siya, humiwalay sa kampo ni Estrada at tahasan nang lumaban.
Maraming alam si Singson at kapag hindi pa gumalaw si Estrada para ito amuin baka dumating ito sa puntong lahat ng baho ay ibubulgar niya. Lalong babaho ang pangalan ni Estrada kapag nagkataon. Ang usap-usapan ngayon sa kalye ay kung milyones ang nakarating sa Malacañang sa jueteng, maaaring mas malaki pa ang kikitain ng mga opisyales doon sa larong Bingo 2-Ball dahil ipinagpalit nga ito roon. Sino naman ang papayag na mawawala ang milyones kung walang kapalit, aber? Dito sa isyung ito, sinisiguro kong mahihirapan ang mga media handlers ni Estrada na magsagawa ng damage control dito sa problema nina Singson at Ang. Dahil sa mata ng mahihirap o yaong masa sa ngayon, nagamit lamang sila para nga kumita ng malaki ang mga pulitikong kanilang sinuportahan.
Sinabi ng mga taong aking nakausap na magsilbing leksiyon sana itong away nina Singson at Ang sa liderato ni Estrada. Habang pakonti nang pakonti na lamang ang kanilang pambili ng pagkain araw-araw, lumilitaw naman na hindi totoo ang pangako ni Estrada sa kanila na sa ilalim ng kanyang liderato ay sila ang makikinabang.