Banat ni BATUIGAS - Dapat ayusin ang away nina Cabigon at Maganto

UMIIGTING ang tension sa southern Metro Manila dahil sa lantarang away nina Senior Supt. Manuel Cabigon, hepe ng Southern Police District (SPD) at Chief Supt. Romeo Maganto, hepe naman ng Katapat 11 ng Department of Interior and Local Government (DILG). Kapag sumiklab ang giyera laban sa dalawang kampo, ang magiging kawawa at masisisi ay sina Interior Secretary Alfredo Lim at Philippine National Police (PNP) chief Director General Panfilo Lacson.

Nagngingitngit sa galit si Maganto nang magsalita kamakailan si Cabigon ukol sa mataas na intelihensyang kinokolekta ng mga tauhan ng kanyang predecessor na ininda ng mga gambling lord sa kanyang sakop. Hinamon ni Maganto si Cabigon na pangalanan niya ang kanyang tinutukoy na opisyal.

May nakarating sa aking sumbong na may kalalakihang umiikot sa SPD at humihingi ng tulong para sa opisina ni Maganto. Subalit ang nakapagtataka, ang hinihingi nilang tulong ay lingguhan. Kapag totoo ito, hindi na tulong ang kanilang hinihingi kundi obligasyon, di ba? Tama ba ako kaibigang Charlie? At ang malungkot dito, kapag ayaw magbigay ng lingguhang tulong ang mga ilegalista sa SPD, ang ginagawa ng mga Katapat 11 ay nagsasagawa sila ng raid at ibinabangketa. Ibig sabihin pinipera na at hindi nakakarating sa presinto ng pulisya ang mga naaresto. Kung hindi naman nagkasundo, ang ginagawa ng mga kalalakihang armado ng armalite rifle ay kinukumpiska na lamang ang mga nakukuhang ebidensya. Maliwanag na hulidap ang lakad nila di ba?

Pero sa ngayon, sa pagkaalam ko, handa na ang mga tauhan ni Cabigon para sa kanila. Hindi papayag ang taga-SPD na yuyurakan lamang ng mga taga-Katapat 11 ang kanilang naipundar na maganda sa kanilang sakop. Nagpakita ng katapangan itong si Cabigon nang arestuhin ng mga bata niya kamakailan si Sr. Supt. Norberto Manaog, dating hepe ng Traffic Management Group (TMG) bunga sa pag-iingat ng "hot cars". At sa tingin ko, handa na rin siya sa pagdepensa ng kanyang pangalan sa isyung kinasangkutan nila ni Maganto.

Pag nagkataon, baka maiuwi sa madugong enkuwentro ang isyu kapag hindi naagapan kaagad. Dapat kumilos na sina Interior Secretary Lim at Gen. Lacson ukol sa away nina Cabigon at Maganto. Tama ba ako, kaibigang Billy C?

Show comments