Beermen bigo pa rin sa no. 1 spot

MANILA, Philippines — Umeskapo ang San Miguel sa NLEX, 135-133, subalit bigo pa ring maselyuhan ang No. 1 seed sa pagtatapos ng kampanya nila sa PBA Season 50 Governors’ Cup elimination round kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Napituhan ng goal tending violation si Robert Bolick sa lay-up ni George King sa huling 5.2 segundo habang sablay ang game-winner na tres sana ni Ljay Gonzales tungo sa ga-hiblang tagumpay ng Beermen para sa 9-3 kartada sa Group A, katabla ang Road Warriors na may 9-3 marka rin.
Subalit dahil natambakan ang Beermen sa NLEX, 110-96, sa una nilang paghaharap, ay sa segunda puwesto pa rin sila nagtapos papasok sa crossover quarterfinals.
Kasama nila bilang kinatawan ng Group A ang Converge (8-4) at reigning champion na Talk ‘N Text (7-5).
Makakaharap ng mga bataan ni coach Leo Austria ang No. 3 na koponan sa Group B na hindi pa tukoy. Swak na sa Group B ang Magnolia (6-3), Rain or Shine (5-3) at Phoenix (5-4) habang pag-aagawan pa ng Ginebra (4-5), Meralco (4-6) at Blackwater (3-6) ang huling tiket sa huling elims playdate bukas upang malaman ang pares sa crossover playoffs.
Bumida sa SMB si King na may kumpletong 27 puntos, 9 rebounds, 3 assists, 1 steals at 4 na tapal.
Katulong niya ang 9-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na tumabo ng 26 puntos at 10 rebounds na double-double sahog pa ang 5 assists at 3 tapal.
Hindi rin nagpahuli si Don Trollano na may 23 puntos habang may ambag na 19 at 14 puntos sina Marcio Lassiter at CJ Perez, ayon sa pagkakasunod, para sa pambihirang comeback ng Beermen.
Nag-ala-FPJ ang Beermen sa duwelo nang matambakan pa ng 116-96 papasok sa 4th quarter bago ito unti-unting tapyasin sa pamumuno ni King tampok ang game-winning layup kontra sa 3 Road Warriors.
Nagliyab sa 43 puntos si Deone Burton para sa Road Warriors na No. 1 pa rin sa Group A kontra sa No. 4 team ng Group B sa best-of-five quarterfinals.
- Latest
















