Ika-2 dikit target ng Arellano sa Lyceum
MANILA, Philippines — Tangka ng Arellano University na duplikahin ang kanilang panalo sa pagharap nila sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil sa San Juan ngayong araw.
Magsisimula ang banatan sa alas-5 ng hapon.
Galing sa makapigil hiningang panalo ang Chiefs matapos nilang katayin ang defending champions San Beda University, 56-55 mula sa game-winner basket ni Baste Valencia.
“We really needed this win,” patungkol ni Valencia sa laro nila kontra Red Lions. “We’re coming from three straight losses. We need this momentum before we face off our bracket mates again. Like I always say before the start of our games, we’ll do what’s needed to win.”
Naka-upo sa pangalawang puwesto sa Group B ng team standings ang Arellano tangan ang 5-3, paniguradong ipaparada pa rin ng Chiefs si Valencia upang ikadena ang ika-2 sunod na panalo.
Makakatuwang ni Valencia sa opensa sina T-Mc Ongotan, AG Borromeo at King Maverick Vinoya para masikwat ng Arellano ang inaasam na panalo at mapaganda ang karta.
Pero tiyak na mapapalaban ng todo ang Chiefs dahil impresibo ang panalo ng Pirates noong Oktubre 16 kontra San Sebastian College-Recoletos, 78-77.
Si Renz Villegas ang naging susi sa panalo ng LPU matapos isalpak ang game-winning jumper sa midrange para ilista ang 3-5 baraha ng mga taga Intramuros.
- Latest
















