LTO sinuspinde lisensiya ng TV host

Walang seatbelt, reckless driving
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang TV host na nakuhanan sa viral video na nagmamaneho nang walang seatbelt at bumaba sa sasakyan habang bukas ang pinto nito.
Sa video, makikitang minamaneho ng Eat Bulaga TV host na si Ian Red ang SUV habang walang suot na seatbelt, habang nire-record naman ng kanyang mga kasama ang kanilang pagkakantahan sa loob ng sasakyan. Sa dulo ng video, bumaba siya habang nasa kalsada, iniwang bukas ang pinto at muling sumakay.
Dahil dito, ipinatawag ng LTO ang rehistradong may-ari at driver ng SUV sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Setyembre 29 para sa pagdinig. Inatasan din ang driver na magsumite ng sinumpaang salaysay at mga dokumentong maaaring sumuporta sa kanyang panig.
Maaari siyang managot sa posibleng paglabag sa Failure to Wear the Prescribed Seatbelt Device at Reckless Driving, gayundin sa posibleng pagdeklara sa kanya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring humantong sa pagsuspinde o pagbawi ng lisensya.
Inatasan din ng LTO ang driver na isuko ang kanyang lisensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at isinailalim sa alarm status ang naturang sasakyan.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, walang masama sa paggawa ng content at pagsasaya sa loob ng sasakyan, ngunit hindi dapat isantabi ang kaligtasan. Aniya, bilang lisensyadong drayber, may pananagutan ang driver na magsuot ng seatbelt, manatiling nakatuon sa pagmamaneho at sumunod sa mga batas-trapiko.
- Latest























