2 Japanese huli ng BI sa Cavite

CAVITE, Philippines — Arestado ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese national dahil sa pagtatrabaho nang walang kaukulang immigration documents sa ikinasang operasyon sa Golden Mile Business Park sa Barangay Maduya, Carmona City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Kaoru Goto, 33, at Tsutsumi Kazumasa, 32; kapwa natuklasang nagtatrabaho sa isang establisimyento ng nasabing business park nang walang work permit at visa.
Nagsagawa ng inspeksyon ang mga BI agents matapos magpanggap bilang mga kliyenteng nagtatanong tungkol sa isang electric vehicle (e-vehicle). Pagpasok sa establisimyento, nakita nila ang dalawang Japanese national na aktuwal na nagtatrabaho nang walang immigration documents, dahilan upang agad silang arestuhin.
Matapos ang inquest proceedings sa harap ng mga abogado ng BI, isinailalim sina Goto at Tsutsumi sa kustodiya ng BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City, kung saan sila mananatili habang dinidinig ang deportation proceedings laban sa kanila.
Pinaalalahanan ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang mga dayuhang nagnanais magtrabaho sa Pilipinas na tiyaking mayroon silang kaukulang immigration documents bago magsimulang magtrabaho.
- Latest
















