Wikang Pinoy, buhay sa ibang bansa
Isa sa mga kapansin-pansing katangian ng maraming Overseas Filipino Worker (OFW) at mga Pilipinong permanenteng naninirahan sa ibang bansa ay ang hindi nila paglimot sa sariling wika. Kahit malayo na sila sa Pilipinas, nananatiling buhay sa kanilang tahanan ang Tagalog, Cebuano, Ilokano, Bikol, Waray at iba pang mga wikang Pilipino. Para sa maraming pamilya, mahalagang maipasa sa kanilang mga anak ang wika ng kanilang pinagmulan upang hindi maputol ang ugnayan ng mga ito sa kulturang Pilipino.
Karaniwan nang Ingles, Pranses, Espanyol, Mandarin, Arabo o iba pang lokal na wika ang ginagamit nila sa paaralan, trabaho at pakikisalamuha sa lipunan. Ngunit pag-uwi sa bahay o kapag kapwa Pilipino ang kausap, natural na bumabalik sila sa Filipino o sa wikang kanilang kinalakihan. Sa ganitong paraan, nananatiling bahagi ng kanilang pagkakakilanlan ang sariling wika kahit ilang dekada na silang naninirahan sa ibang bansa.
Marami ring batang isinilang at lumaki sa ibayong-dagat ang natutong umintindi o magsalita ng Filipino dahil sa kanilang mga magulang at lolo’t lola. Bagama’t mas bihasa sila sa wikang ginagamit sa bansang kanilang kinalakhan, sinisikap pa rin ng maraming pamilyang Pilipino na maituro sa kanila ang kahit pangunahing bokabularyo at wastong pakikipag-usap sa Filipino.
Sa Estados Unidos, kabilang ang Tagalog at Filipino sa mga wikang madalas gamitin sa tahanan bukod sa Ingles. Dahil sa malaking populasyon ng mga Filipino American, may ilang unibersidad na nag-aalok ng mga kurso sa wikang Filipino o Tagalog. Patunay ito na kinikilala na rin sa akademya ang kahalagahan ng ating wika at kultura.
Sa Canada naman, kabilang ang Tagalog sa mga pinakaginagamit na wikang hindi opisyal doon. Karaniwan nang marinig ang Tagalog sa mga komunidad, pamilihan, opisina at maging sa mga ospital. Maraming pamilyang Pilipino ang gumagamit pa rin nito sa loob ng kanilang tahanan habang Ingles naman ang ginagamit sa labas.
Ganoon din ang kalagayan sa Australia at New Zealand. Habang dumarami ang mga Pilipinong naninirahan doon, lumalawak din ang mga samahang nagsusulong ng pagtuturo ng Filipino sa mga kabataan. Kahit naging permanent resident o citizen na sila ng naturang mga bansa, sinisikap pa rin nilang maituro sa kanilang mga anak ang wika ng kanilang pinagmulan.
Sa mga bansang Arabo sa Gitnang Silangan, kung saan milyon-milyong Pilipino ang nagtrabaho, hindi na nakapagtataka kung makarinig ng usapang Tagalog o iba pang wikang Pilipino sa mga mall, parke, simbahan, terminal at iba pang lugar na karaniwang pinagtitipunan ng mga OFW. Kapag nagkikita ang dalawang Pilipino, halos awtomatikong Filipino o sariling wika ang kanilang ginagamit kahit Arabo o Ingles ang ginagamit nila sa trabaho. Ganito rin ang karaniwang tanawin sa mga umpukan ng mga OFW sa Hong Kong at Singapore.
Saan man sila mapadpad, dala nila ang wikang nagsisilbing isa sa pinakamahalagang tatak ng kanilang pagiging Pilipino.
* * * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest
















