Imago (5)
ANG bawat katok sa pinto ng hotel room ay parang kulog sa pandinig ni Maya. Napabaliktad siya sa kama, hawak ang kanyang laptop, habang nanginginig ang buong katawan.
“Maya? Nandiyan ka ba? Ako ito, si Nelson.”
Nakahinga siya nang maluwag. Si Nelson, ang kaniyang katrabaho sa pahayagan at kasama sa bakasyong ito. Pagkabukas ng pinto, pumasok ang nag-aalalang kaibigan.
“Saan ka ba nagsuot? Bigla ka na lang nawala sa art gallery kanina.”
Hindi na napigilan ni Maya ang sarili. Humahagulgol niyang ikinuwento ang nakitang painting, ang mukha ni Mina, ang bangkay na mistulang sining. Nakinig si Nelson, seryoso ngunit may bakas ng pag-aalinlangan sa mga mata. “Maya, baka dala lang ‘yan ng pagod mo. Sampung taon mo nang hinahanap si Mina.”
“Hindi ako nababaliw, Nelson! Si Mina ‘yon!” determinadong sagot niya.
Upang mapatunayan ang katotohanan, kinabukasan ay maagang hinila ni Nelson si Maya pabalik sa art gallery. Puno pa rin ng tao ang bulwagan, at bumibilis ang tibok ng puso ni Maya habang papalapit sila sa dulo ng silid kung saan nakasabit ang huling obra.
Ngunit nang makarating sila sa tapat ng pader, napatigil si Maya. Nanlamig ang kaniyang mga kamay.
Walang canvass ng babaeng patay. Sa halip, isang puting pader lamang ang naroon, may nakapaskil na maliit na papel na nakasulat sa wikang Hapon at Ingles: SOLD.
“Nasaan ang painting?” bulong ni Maya, habang umiikot ang kanyang paligid. (Itutuloy)
- Latest




















