Google, magpapakawala ng milyun-milyong lamok sa US!
HUMIHINGI ngayon ng pahintulot ang tech giant na Google sa Environmental Protection Agency (EPA) upang magpakawala ng 32 milyong lalaking lamok sa California at Florida sa loob ng dalawang taon bilang bahagi ng isang makabagong eksperimento sa kalusugan.
Sa ilalim ng proyektong “Debug” ng Verily, isang subsidiary ng Alphabet na parent company ng Google, target ng operasyon na pababain ang populasyon ng southern house mosquito (Culex quinquefasciatus). Ang uri ng lamok na ito ang sanhi ng St. Louis encephalitis at West Nile virus na nagiging sakit ng mahigit 1,300 Amerikano taun-taon.
Bagama’t tila kakatwa ang paraan na ito, ang mga lalaking lamok na pakakawalan ay hindi nangangagat ng tao at nectar ng bulaklak lamang ang kinakain. Ang mga lamok mula sa laboratoryo ay nilagyan ng bacteria na Wolbachia na nagiging sanhi ng kanilang pagka-baog.
Kapag nakipagtalik ang mga ito sa mga ligaw na babaing lamok, hindi mapipisa ang mga itlog, na hahantong sa pagkaubos ng kanilang lahi.
Ayon sa CDC, ang Wolbachia ay ligtas, hindi nakahahawa sa tao o hayop, at hindi rin binabago ang genetic structure ng lamok. Naging matagumpay na rin ang estratehiyang ito sa Singapore, Thailand, at Mexico laban sa dengue at zika. Ang operasyong ito ay mas nature friendly kaysa sa mga pesticides.
- Latest















