Ang disiplinang tatak Marcos Sr.
MAY mga nagsasabing magaling si President Ferdinand Marcos Sr. sa pagpapatupad ng disiplina sa taumbayan. E kasi naman, martial law noon at takot ang tao na lumabag sa anumang umiiral na batas at ordinansa.
Ang tawag ko diyan, disiplinang bunga ng takot. Hindi totoong disiplina iyan. Ang mga tao ay tumatawid sa tamang tawiran, ang mga motorista ay hindi nagbi-beating the red light at sa mga pilahan, maayos na pumipila ang taumbayan. Walang unahan at tulakan.
Ultimo ang mass media noon ay maingat sa kanilang isinusulat dahil kapag nasaling nila ang administrasyon ay tiyak na dadamputin sila ng militar. Ang totoong disiplina ay ang pagtalima ng tao sa mga batas dahil nirerespeto nila ang pamahalaan. Hindi dahil sa takot.
Nang mawala si Marcos at naging Presidente si Cory Aquino, ang mga tao ay tumatalon na sa mga center island at hindi tumatawid sa mga itinakdang tawiran. Ang mga sasakyan ay hindi na nagbibigayan kaya nagkakabuhul-buhol sa kalsada.
Katanghaliang tapat ay may nagaganap na pag-ambush ang mga rebeldeng komunista. Naglahong bigla ang disiplina. Ang tunay na disiplina ay mangyayari lamang kung magkakaroon tayo ng leader na tapat at iginagalang ng tao.
Hindi pa dumarating ang leader na iyan at hindi kailanman darating hangga’t naririyan ang dalawang political forces na kahit wala ang katangiang gusto natin sa isang leader ay iniidolo pa rin nang marami.
- Latest