Kontrobersyal na magkarelasyon, nagkabalikan!
Napag-alaman mula sa reliable source na mukhang okay na uli ang kontrobersyal na magkarelasyon na napabalitang naghiwalay na.
Tahimik pa rin sila sa kanilang diumano’y paghihiwalay at hindi talaga sila nagsalita.
May ilan lang kaming napagtanungang malapit sa dalawa at nagkikita na nga raw sila uli.
Pero hindi raw sila magkasama ngayong Pasko. Sa new year daw sila magkasamang magpaputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Hindi lang ako sure kung magiging open sila sa pagbabalikan dahil mas gusto na talaga nila ng tahimik na relasyon at hindi na isama sa kanilang trabaho bilang artista.
Meron namang younger couple, si aktor at aktres na open secret naman ang kanilang relasyon. Pero hindi naman nila ito ipinangangalandakan ang kanilang masayang relasyon. Pero kamakailan lang ay may kumalat na tsismis na break na raw sila.
Kaagad kong tinanong si aktres kung totoo bang break na silang cutie na aktor. Ang bilis ng sagot niyang, “hindi naman ako na-inform diyan!”
Masaya naman sila, lalo na ngayong Pasko at Bagong Taon na magkasama sila sa kani-kanilang pamilya.
Cristine at Marco, maligaya ang pasko
Happy rin ang magkasintahang Cristine Reyes at Marco Gumabao dahil sila rin ang magkasama ngayong holiday at may plano na raw sila na dumalo sa premiere night ng The Kingdom bilang suporta niya kay Cristine.
Ang isa pang todo ang support sa boyfriend ay si Bianca Umali na dumalo naman sa premiere night ng Green Bones para kay Ruru Madrid.
Halos mugto rin ang mata ni Bianca nang tsikahin namin pagkatapos niyang mapanood ang Green Bones.
Nakaka-proud daw si Ruru sa naturang pelikula. “Sobrang proud po, kasi lahat na biyaya na meron siya ngayon, deserved niya ‘to at alam kong pinaghirapan niya ito. Lahat nang ginagawa niya mula sa puso na ginagawa and I’m so proud kasi napakagaling ng kinalabasan. And hindi na ako makapaghintay na makita pa ng maraming Pinoy ang pelikulang ito,” pakli niya.
Wala silang Pasko dahil miyembro ng Iglesia Ni Cristo, pero ngayong holiday ay may panahon daw silang mag-bonding dahil walang trabaho.
Magiging abala lang si Ruru sa promo ng Green Bones, pero may time naman silang dalawa.
“Ngayong holiday kailangan namin mag-reconnect kasi hindi po kami nagkikita sa totoo lang dahil ginagawa niya ang Lolong, at ako naman ay tinatapos ko po ang Sang’gre. Kaya kalaban po namin ‘yung oras sa relasyon namin ngayon. Pero sa holiday kahit papano ay mahanapan namin ng oras ang isa’t-isa,” dagdag niyang pahayag.
Judy Ann, ‘di pinababayaan ang negosyo!
Sa kabila ng pagpo-promote ni Judy Ann Santos ng Espantaho, inaasikaso pa rin ang restaurant nila ni Ryan Agoncillo, at talagang chef siya.
Pero excited siya rito sa ngayong Metro Manila Film Festival dahil ang gaganda ng mga pelikulang kalahok at happy siya sa kinalabasan ng Espantaho.
Binibiro nga siya ng ilang press na naimbitahan niya na dapat ay may picture sila ni Dennis Trillo dahil sila ang hinuhulaang magwagi sa acting category.
Sa totoo lang, lagi raw siyang nawawalan ng kumpiyansa sa sarili kapag pinapanood niya ang performance niya sa isang pelikula.
“Hindi talaga ako ano e, hindi talaga ako kakampante sa trabaho na ginagawa ko, sa bawat pelikula na ginagawa ko, even from years ago. Parang feeling ko puwedeng ginalingan ko pa rito, ah dito parang okay siguro kung itong nuance ang naisip ko. Dapat ito ang ginawa ko. Hindi lang ako bilib siguro sa aking sarili pagdating sa trabaho. And I think that’s a good thing kasi hindi ka kumapante sa sarili mong trabaho. Kumbaga, palagi kang on your toes when it comes to whatever part of the job o kung ano mang role na ibinigay sa iyo.”
Bukod pa riyan ay ang dami raw talagang magagaling, kaya ayaw niyang umasa.
“Ako naman e masaya ako na tumawid ‘yung trabaho namin sa mga tao. Naramdaman nila, ‘yung pagod, hirap at emosyon na ibinigay namin. Natakot sila kahit papaano. Kumbaga, napakalaking Christmas bonus kung sakali man. Kasi nandiyan sina Ate Vi, nandiyan sina Aicelle, Julia, ang daming mahuhusay. At nung nakita ko ‘yung latag ng mga trailers nila, ang titindi din ng mga bata ha? Kumasa rin sila sa aktingan,” sabi pa ni Judy Ann Santos.
- Latest