Koreano dinakma sa P1.5 milyong crypto scam

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 48-anyos na Korean national matapos umanong tangayin ang P1.5 milyon ng kapwa Korean businessman sa isang cryptocurrency transaction sa Brgy. Tambo, Parañaque City.
Ang pag-aresto sa suspek ay kasunod ng reklamo ng isa ring Koreano sa Tambo Police Sub-Station na hindi niya natanggap sa kanyang digital wallet ang ipinangakong $23,437 kapalit ng P1.5 milyon.
Sa imbestigasyon, nakumbinsi umano ng suspek ang complainant dahil sa ilang nauna nilang matagumpay na transaksiyon sa cryptocurrency. Ngunit sa huling palitan nila sa isang gaming establishment sa Brgy. Tambo, nagpakita ang suspek ng screenshot na nagsasaad na naipadala na ang cryptocurrency, na kalaunan ay napatunayang walang pumasok sa wallet ng biktima.
Nahaharap ang suspek sa kasong Other Deceits sa ilalim ng Article 318 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sinabi ni NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano na hindi maaaring gamiting panangga ang teknolohiya sa panloloko at iba pang krimen. Patuloy aniya ang NCRPO sa pagpapalakas ng operasyon laban sa mga panlilinlang sa digital platforms at online financial transactions upang maprotektahan ang publiko.
- Latest

















