Holdaper sa Makati, timbog

MANILA, Philippines — Arestado ang isa sa riding-in-tandem sa panghoholdap ng alahas sa isang babae sa Metropolitan Avenue, Brgy. Bel-Air, Makati City, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si alyas “Owa,” 26-anyos, walang trabaho, residente ng Brgy. Pio del Pilar, Makati, na nakatakdang isailalim sa reklamong paglabag sa reklamong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (Robbery) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). Tinutugis pa ang nakatakas na isa pang suspek na sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ng Makati City Police Station, dakong alas-12:50 ng madaling araw ng Oktubre 24, nang maganap ang insidente sa lugar, na nagkataong nagsasagawa ng covert monitoring at anti-criminality patrol ang mga nakamotorsiklong tauhan ng Station Intelligence Section at Substation 6, sa ilalim ng SPD Borderless Policing System “Timpuyog”.
Narinig nila ang paghingi ng saklolo ng babaeng Jolly Jeep vendor, na inagawan ng kuwintas at bracelet.
Sa hot pursuit operation, nakorner ang mga suspek, subalit nakatakas ang isa, habang ang isang nagtangkang tumakbo ay bumunot ng baril, subalit naagapan.
Nabawi ang gintong alahas na may kabuuang halaga na P35,000.00 habang kinumpiska naman ang baril na kargado ng bala.
Natuklasan sa beripikasyon na may kinasasangkutang kasong Homicide, Theft, Illegal Gambling (PD 1602), at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest

















