DSWD, binalaan mga content creator vs pangungutya sa PWD
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa pangungutya at pambabastos sa persons with disabilities (PWD) kasunod ng kontrobersiya sa podcast na Machong Chismisan na kumutya kay Joshua “Josh” Aquino, anak ni Kris Aquino.
Ayon kay DSWD spokesperson at Assistant Secretary Irene Dumlao, dapat igalang ang dignidad, privacy at karapatan ng mga PWD, kabilang ang mga nasa autism spectrum at may iba pang neurodevelopmental condition.
Binigyang-diin ni Dumlao na hindi dapat gawing katatawanan o pagkakitaan ang kalagayan ng mga PWD para lamang makakuha ng online engagement. May pananagutan din aniya ang mga content creator na iwasan ang diskriminasyon at mapaminsalang stereotype.
Ipinaalala ng DSWD ang Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng RA 9442, na nagtatakda ng proteksiyon laban sa pang-aalipusta at pangungutya sa mga PWD.
Samantala, umani ng batikos mula sa mga netizen at mga taong malapit kina Josh at Kris ang naturang podcast episode. Dahil sa kontrobersiya, tinapos na rin ng The Pod Network (TPN) ang kontrata nito sa Machong Chismisan.
- Latest






















