Lider ng criminal group, arestado sa 8 warrant

MANILA, Philippines — Arestado ang isang diumano’y lider ng kilabot na criminal group sa bisa ng walong warrant of arrest at nasamsaman pa ng isang granada sa ikinasang manhunt operation ng mga operatiba ng Taguig City Police, sa Taguig City, Biyernes ng gabi.
Sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Rodel Pastor, ang akusadong si alyas “Sonny Boy,” 28, ay naaresto dakong alas- 8:00 ng Oktubre 9, sa Brgy. Calzada-Tipas.
Inaresto rin ang dalawa pang lalaki na tinangkang harangin ang pagsisilbi ng warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Joy N. Casihan-Dumlao ng Branch 262.
Sa ginawang beripikasyon sa E-Warrant System, natuklasan na may pito pang mga outstanding warrant of arrest si Sonny Boy na inilabas ng iba’t ibang korte sa Taguig, Pasig, at lalawigan ng Rizal, para sa mga kasong robbery, carnapping, frustrated murder, at robbery with intimidation.
Sa naturang operasyon, nagkataon na natiyempuhan din nina Taguig Police Chief P/Col. Julius Añonuevo si alyas “Gil Angelo” na may nakasukbit na hindi lisensyadong kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si alyas Gil Angelo habang Obstruction of Justice naman ang ihahaing reklamo sa dalawang kasama ni alyas “Sonny Boy” sa Taguig City Prosecutor’s Office.
- Latest




















