8 maleta ng marijuana nakumpiska sa 4 na pasahero sa NAIA

MANILA, Philippines — Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang walong maleta ng marijuana mula sa apat na pasahero na galing Bangkok, Thailand sa NAIA Terminal 3 kahapon.
Nabatid na dumaan sa X-ray screening at K9 inspection na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga maleta at nadiskubreng naglalaman ito ng 41.551 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P62.326 milyon.
Nakipag-ugnayan ang BOC sa PDEA, Bureau of Immigration, at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa patuloy na pagsusuri at imbestigasyon sa insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan at pananagutan ng mga sangkot upang matukoy ang kaukulang mga kasong isasampa kaugnay ng nasabat na ilegal na droga.
- Latest




















