DILG sa LGUs: Safe Spaces Act ipatupad

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang papel ng mga local government unit (LGU) sa pagprotekta sa mga biktima ng gender-based sexual harassment sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Safe Spaces Act.
Ayon sa DILG, kabilang sa pangunahing tungkulin ng mga LGU ang pagtatatag ng Anti-Sexual Harassment (ASH) Desks, Anti-Sexual Harassment Enforcers, at mga mekanismo para sa mabilis na pagrereport at pagtugon sa mga insidente.
Sinabi ni DILG Assistant Secretary Atty. Brian Mey Tomas na ang mga LGU ang nagsisilbing pangunahing tagapagpatupad ng batas upang matiyak ang victim-centered assistance para sa mga nakararanas ng harassment.
Batay sa monitoring ng DILG, nasa 1,175 lungsod at munisipalidad at 27,264 barangay sa buong bansa ang mayroon nang ASH Desks, habang 25,887 Anti-Sexual Harassment Enforcers ang naitalaga.
Saklaw ng Safe Spaces Act ang proteksyon sa lahat ng indibidwal, kabilang ang LGBTQIA+ community, laban sa gender-based sexual harassment anuman ang kanilang sexual orientation, gender identity, gender expression, o sex characteristics.
- Latest

















