22 sasakyan nagkarambola sa Quezon City flyover: 4 patay, 26 sugatan
MANILA, Philippines — Apat katao ang kumpirmadong patay habang 26 naman ang sugatan makaraang araruhin ng truck at magresulta sa karambola ng mga sasakyan kamakalawa ng gabi sa Katipunan Fly-over sa Quezon City.
Makalipas ang 12 oras, nadakip naman ang suspek at driver ng truck na si Richard Mangupag, 45 sa kanyang bahay sa Brgy. UP Village, QC.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District District Traffic Enforcement Unit Traffic Sector 3, nangyari ang aksidente bandang alas 6:55 ng gabi sa Katipunan Avenue/Aurora Fly-over.
Galing Col. Bonny Serrano si Mangupag patungo ng C.P. Garcia Avenue nang mawalan umano ng preno ang minamaneho nitong wingvan na may plakang RJK 719 habang pababa ng flyover.
Bunsod nito, inararo ng truck ang nasa 16 na mga motorsiklo at limang kotse sa kanyang unahan at nagresulta sa karambola.
Ayon sa pahinante, bigla na lamang silang nakarinig ng pagsabog hanggang sa mabangga ang mga biktima.
Dahil sa takot, tumakas ang driver ng truck.
Iniimbestigahan din ng pulisya ang report na nakikipagkarerahan ang driver sa ibang truck hanggang sa hindi na makontrol ang pakanan at natumbok na ang mga sasakyan.
Sa follow up operation natunton ang suspek sa kanyang bahay sa UP village.
Nakapiit na ngayon ang suspek sa traffic sector 3 at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide.
- Latest