Deniece Cornejo, Cedric Lee, guilty!
Vhong Navarro wagi sa isinampang serious illegal detention
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153 ng “reclusion perpetua” o 40-taong pagkabilanggo ang kilalang negosyanteng si Cedric Lee at model na si Deniece Cornejo sa kasong serious illegal detention na isinampa ng actor-host na si Vhong Navarro.
Bukod kina Lee at Cornejo, napatunayang “guilty” sa nasabing kaso ang mga kasamang akusado na sina Ferdinand Guerrero at Simeon Raz.
Ayon sa korte, sina Lee, Cornejo, Guerrero, at Raz ay napatunayang “guilty beyond reasonable doubt” sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ni Navarro noong 2014.
“Wherefor, premises considered, this court hereby finds accused Deniece Cornejo, Cedric Lee, Ferdinand Guerrero and Simoeon Palma Raz, guilty, beyond reasonable doubt for the crime of serious illegal detension for ransom, defined and punished under Article 267 of the Revised penal Code, as amended, and hereby sentences them to suffer the penalty of reclusion perpetua,” saad sa kautusan ni Presiding Judge Mariam G. Bien, ng Taguig RTC Branch 153, na may petsang Mayo 2, 2024.
Kinansela na rin ng korte ang piyansa ng mga akusado.
Personal pang dumalo sa promulgation sina Raz at Cornejo na agad dinakip ng mga pulis.
Naglabas din ng warrant of arrest ang korte laban kina Lee at Guerrero.
Bukod sa pagkabilanggo, pinagbabayad ng korte ang apat na bayaran si Navarro ng P100,000 bilang civil indemnity, P100,000 moral damages, at P100,000 exemplary damages.
Matatandaang kinasuhan ni Navarro sina Deniece Millinette Cornejo, Cedric Cua Lee, Bernice Cua Lee a.k.a Marie, Simeon Palma Raz Jr., Jose Paolo Gregorio A. Calma, Sajed Fernandez Abuhijleh a.k.a Jed Fernandez at Ferdinand Guerrero dahil sa umano’y nagsabwatan sa iligal na pagdetine sa kanya, panggugulpi, pananakot na papatayin gamit ang baril, at palalayain lamang kapalit ng ransom noong Enero 22, 2014 sa Bonifacio Global City, Taguig City.
Magugunita na si Cedric ang unang tumestigo sa pagdinig ng petition for bail ni Navarro sa kasong rape na isinampa ni Cornejo laban sa aktor.
Noong 2018, hinatulan din ng korte ng “guilty” sa kasong grave coercion sina Cedric at Cornejo kaugnay sa pambubugbog, pananakot at pangingikil ng pera kay Navarro.
Kaugnay nito, pinasusuko na ng PNP sina Lee at Guerrero kasunod ng pagpapalabas ng korte ng warrant of arrest laban sa kanila.
“I am sure nakarating sa kaalaman ni Lee and Guerrero nag-issue ng warrant of arrest ang korte so it will be in their best interest na mag-voluntary surrender na lang sila doon sa pinakamalapit na istasyon sa kanila or they could get through their lawyers so they could arrange ‘yung possible pag-voluntary surrender nila,” ani PNP-PIO chief at spokesman PCol. Jean Fajardo.
- Latest