Nursing student, ina natusta sa sunog

MANILA, Philippines — Patay ang isang nursing student at 62-anyos na ina makaraang kapwa makulong ng apoy sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Talisay City , Cebu kamakalawa.
Kinilala ang mag-inang nasawi na sina Amalia Nebrija, biyuda at 22-anyos na si Grace Joy, 22, 3rd year nursing student na pawang halos hindi na makilala ng marekober ang mga bangkay.
Sa report ng Talisay City Fire Station, dakong alas-3 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa tahanan ng mag-ina sa Brgy. Tabunok ng lungsod
Ang sunog ay mabilis na kumalat na tumupok sa tahanan ng mag-ina kung saan kinatok pa ng mga opisyal ng Barangay at maging ng kanilang mga kapitbahay ang tahanan ng mag-ina pero walang tumutugon sa mga ito.
Nagresponde ang mga bumbero pero nadatnan na naka-lock ang gate ng 2-storey house ng mag-ina. Nahirapan din nila maapula ang apoy dahil sa mataas na bakod ng nasabing bahay.
Naapula naman ng mga bumbero ang sunog alas- 4 ng madaling araw kung saan matapos ang ilang oras ay narekober ang bangkay ng mag-ina na sunod na sunog.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang posibleng anggulo ng foul play sa kasong ito dahil bago umano naganap ang insidente ay may nakaaway na kapitbahay ang mag-ina na pinagbantaan ang buhay.
- Latest















