Obrero tiklo sa mga ninakaw na telecom cables

Suspek nagtago sa manhole
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 34-anyos na construction worker matapos maaktuhang nagnanakaw ng underground copper cables na nagkakahalaga ng P230,155.98 sa Brgy. Little Baguio, San Juan City, nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), namataan sa CCTV ng barangay ang suspek na bumaba sa motorsiklo at pumasok sa manhole sa kanto ng J. Abad Santos at Mascardo St. dakong alas-3 ng madaling araw noong Nobyembre 9. Tumakas naman ang lalaking naghatid sa kanya.
Rumesponde ang mga tauhan ng Sta. Lucia Police Sub-Station 2 matapos ipagbigay-alam ng mga barangay tanod ang insidente. Naaresto ang suspek at narekober sa lugar ang dalawang piraso ng copper cable, steel saw, safety helmet at isang bakanteng sako.
Kinumpirma ng kinatawan ng telecommunications company na pag-aari nila ang mga nakuhang kable. Residente ng Caloocan City ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10515 at Article 308 ng Revised Penal Code o theft. Isasailalim siya sa inquest proceedings.
- Latest


















