Lacson: Hindi limas ang pro tempore office nang iniwan ko
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes ang pahayag na “bare” o walang laman ang tanggapan ng Senate President Pro Tempore na kanyang iniwan noong 2022 at kalauna’y inokupahan ni Sen. Jinggoy Estrada.
Sinabi ni Lacson na iniwan niyang buo ang tanggapan dahil ginamitan ito ng pondo ng gobyerno para sa pag-ayos bago niya ito gamitin.
“I take exception to the statement pertaining to the state or condition of the same Pro Tempore office that I turned over to Sen. Estrada in 2022. Nothing was removed nor destroyed, precisely because government funds were used when I refurbished it when it was turned over to me,” aniya sa X.
Tinutukoy niya ang pahayag ng tanggapan ni Estrada na “bare” o walang laman ang Pro Tempore office nang ipasa ito sa senador noong 2022, na umano’y alinsunod sa matagal nang gawain sa Senado.
Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng post niya ng AI-generated na larawan ni kasalukuyang Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III na nakaupo sa halos walang laman na tanggapan, na may monobloc na mesa at upuan at isang “lampara” o gasera lamang.
“Poor Senate President Pro Tempore Tito Sotto. Naka monobloc table and chair at lampara na lang. Mistulang ‘barebones’ ang bago niyang opisina. Binaklas kasi lahat ng dating occupant—from the floor tiles, walls and cabinets to the toilet fixtures and wall outlets—inubos,” aniya sa post.
Sa pahayag naman ng tanggapan ni Estrada, nilinaw nitong ang karamihan sa mga tinanggal na kagamitan, kabilang ang floor tiles, glass panels, lighting fixtures at cabinets, ay binili gamit ang personal na pondo ng senador dahil hindi sapat ang budget na inilaan ng Senado.
Ipinaalam din umano sa kampo ni Sotto, sa pamamagitan ng kanyang Chief of Staff na si Atty. Raquel Mejia, ang planong paglilipat bago ang itinakdang turnover noong Oktubre 5, 2026.
Ayon pa sa tanggapan ni Estrada, ililipat lamang ang mga nasabing kagamitan sa bagong opisinang nakalaan para sa senador. “Standard practice ito sa Senado at hindi na dapat ikagulat pa o gawing isyu,” ayon sa pahayag, na idinagdag pang maging noong tanggapin ni Estrada ang opisina noong 2022 ay wala ring laman ang silid.
Nakatakdang lumipat si Sotto ngayong linggo sa tanggapan ng Senate President Pro Tempore na dating ginagamit ni Estrada, ngunit noong Lunes ay natuklasan niyang halos walang laman na ito matapos baklasin ang floor tiles, lighting fixtures at maging ilang bathroom fixtures.
- Latest






















