Gold No. 2 ni Carlos, unang bronze ni Eldrew

MANILA, Philippines — Sinikwat ni Carlos Edriel Yulo ang back-to-back gold medals at nag-ambag ng bronze ang kanyang utol na si Karl Eldrew sa 20th Asian Games men’s artistic gymnastics kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Pinagharian ni Carlos ang men’s vault finals sa nakolektang 14.599 points para sapawan sina Mahdi Olfati ng Iran (14.533) at Ka Ki Ng ng Hong Kong (14.116) na nakuntento sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod, sa Nagoya General Gymnasium Rainbow Hall.
Noong Huwebes ay inangkin ng 26-anyos na si Carlos, ang 2024 Paris Olympics double-gold medalist, ang unang ginto ng Pilipinas sa Aichi-Nagoya Asiad sa kanyang panalo sa men’s floor exercise.
Nadiskaril naman ang tangka niyang pagkopo sa ikatlong gold nang tumapos sa ikaapat na puwesto sa men’s parallel bars sa kanyang 14.300 points.
Samantala, nakamit ng 18-anyos na si Karl Eldrew ang kauna-unahan niyang medalya sa Asian Games nang makuha ang tanso sa men’s horizontal bar sa kanyang 13.666 points.
“Thank you guys, panalo tayo guys. Para sa atin ito,” wika ni Karl Eldrew na hindi napigilang umiyak bago ang awarding ceremony.
Wagi si Karl Eldrew ng gold medal sa vault event ng 2024 Junior Asian Championship sa Tashkent, Uzbekistan kasunod ang dalawang bronze sa floor exercise at horizontal bar sa 2025 Junior World Championship sa Manila.
- Latest




















