Magnobyo niragasa ng SUV: Babae dedo, Kano sugatan

MANILA, Philippines — Viral sa social media ang video sa aktuwal na pag-araro ng isang rumaragasang Sports Utility Vehicle (SUV) sa magkasintahang naglalakad sa gilid ng kalsada na ikinasawi ng isang 27-anyos na babae habang nasugatan ang Amerikanong nobyo sa Gen. Maxilom Avenue, Cebu City nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing biktima na si Criza Jean Concha, nagtamo nang matinding sugat sa katawan na siya nitong ikinamatay.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang sugatang si John Charles Livingstone, 56-anyos.
Arestado naman ang driver ng Toyota Fortuner na si Ralph Anthony Go na isinailalim sa kustodya ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police Office.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Gen. Maxilom Avenue ng lungsod dakong alas-2:20 ng madaling araw. Habang naglalakad sa tabi ng Gen. Maxilom Avenue ang magnobyo nang bigla na lamang silang sagasaan ng humahagibis at biglang nag-counterflow na SUV na minamaneho ng driver na nakainom ng alak.
Agad namang tinugis ng mga Barangay Tanod ang SUV driver na nakorner may ilang kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente.
Nakakulong na ang driver ng SUV na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at frustrated homicide.
- Latest






















