^

Punto Mo

Tagong-yaman versus hayag-na-hirap

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KABILANG sa mga akusasyon kay VP Sara sa isinasagawang paglilitis ng Senate impeachment court ay ang diumano’y mga di-maipaliwanag at tagong-yaman ng bise presidente. Ang sinasabing networth ng bise presidente o ang kabuoang natirang yaman matapos ibawas ang mga pagkakautang ay lubhang napakalayo sa kanyang sahod bilang opisyal ng gobyerno.

Isa sa batayan ng pagkakaroon ng di-maipaliwanag at tagong-yaman ay ang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.  Pero hindi lang SALN ang batayan. Naririyan ang deklarasyon ng pagbabayad ng buwis, mga bank accounts, iba pang dokumento mula sa gobyerno, at istilo ng pamumuhay. 

Sa ilalim ng Section 1, Article XI ng 1987 Philippine Constitution, ang mga opisina ng gobyerno ay ipinagkatiwala ng mga mamamayan sa mga opisyal na inaasahang maglilingkod nang buong katapatan, pananagutan, integridad, at kaayusan; laging kikilos na may pagmamahal sa bayan at hustisya; at mamumuhay nang payak at walang luho.

Gagawin ng isang tapat na opisyal ang higit pa sa hinihingi ng batas para lamang mapangalagaan ang kasagraduhan ng kanyang tungkulin. Gagawin ng isang tiwaling opisyal ang lahat para hanapan ng butas ang batas upang maisakatuparan ang mga pansariling layunin. Sa ginaganap na impeachment trial, lumalabas na napakaraming butas ng batas tungkol sa pananagutan kung kaya’t napakahirap mapanagot ang mga opisyal na nagpayaman sa tungkulin.

Madalas nating marinig sa paglilitis kung ano ang hinihingi ng batas. Basta walang paglabag sa batas ay ayos na. Gayunman, hindi lahat ng naaayon sa batas ay naaayon sa moralidad. May mga bagay na ligal dahil pinahihintulutan ng batas, ngunit imoral dahil labag sa pamantayan at kautusan ng Diyos. Halimbawa: tinatanggap na ang same-sex marriage sa maraming bansa, sapagkat mayroon silang batas na nagpapahintulot dito. Ngunit ang same-sex marriage ay imoral, sapagkat ito’y malinaw na labag sa disensyo at kautusan ng Diyos.

Tungkol sa SALN, sinabi ni Senator Lapid na may kaibigan siyang abugado na nagsabing walang opisyal ng gobyerno ang naglalagay ng totoong kwenta ng kabuoang yaman. Ang tanong ni Senator Lapid, «Totoo ba ito?» Marahil, marami sa atin ang magsasabing, «Oo, totoo ‘yan.» Kung magkagayon, hindi nakapagtataka kung may iba pang matataas na opisyal ng gobyerno ang may di-maipaliwanag at tagong-yaman.

Isang katotohanan ang lumulutang ngayon: ang yaman ng isang opisyal ng gobyerno’y maaaring maitago sa pamamagitan ng iba’t ibang kaparaanan. Maaaring ang isang opisyal ng gobyerno’y walang pera sa banko, ngunit hindi lamang naman ang banko ang maaaring pagtaguan ng pera. Maaaring ang isang malaking negosyo o marangyang ari-arian ay wala sa kanyang pangalan, pero maaari namang ipangalan sa iba, samantalang siya pa rin ang nakikinabang. Talagang napakaraming paraan para maitago ang kayamanan.

Sa kabilang banda, walang tagong-kahirapan. Ang kahirapan ay laging hayag, laging lantad.  Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), batay sa Multidimentional Poverty Index (MPI), ang kahirapan ay hindi lamang ang kawalan ng pera. Ito’y ang kawalan din ng oportunidad sa magandang edukasyon, kalusugan at nutrisyon, pabahay, tubig, sanitasyon, at trabaho. Lahat ng ito’y kitang-kita, lantad na lantad, at hindi maitatago. Ayon sa PSA, ito ang kalagayan ng 12.8 porsyento ng mga Pilipino o mahigit sa 14 milyong Pilipino.

Ang aking dalangin, nawa, lahat ng tagong-yaman ay malantad, samantalang ang mga hayag-na-hirap ay matuldukan!

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with