Request ng Eala camp posibleng tablahin ng WTA

MANILA, Philippines — Nanganganib na ma-deny ang kahilingan ng kampo ni Alex Eala sa Women’s Tennis Association (WTA) na mabigyan ng exemption upang hindi makapaglaro sa mandatory event na Beijing Open sa China.
Matatandaang sumulat ang Philippine Tennis Association (Philta) sa WTA para payagan si Eala na maglaro sa Asian Games nang walang penalty.
Nauna nang inihayag ni Eala na nais nitong maglaro para sa Team Philippines sa Asian Games na gaganapin sa Nagoya, Japan.
Kasabay ng Asian Games ang Beijing Open.
Gaganapin ang Beijing Open sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 11 habang lalarga naman ang tennis event ng Asian Games mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.
Ganito rin ang ginawa ng kampo ni Janice Tjen ng Indonesia na sumulat din sa WTA para mabigyan ng exemption.
Subalit inihayag ni Tjen na hindi pinayagan ng WTA ang kanyang kahilingan.
“After a lot of consideration, I’ve had to make the difficult decision that I won’t be able to compete at the Asian Games this year which take place at the same time as the mandatory WTA 1000 event in Beijing,” ani Tjen sa kanyang post sa social media.
Kaya naman nag-withdraw si Tjen sa Asian Games.
Sa halip, sasabak ito sa Beijing Open.
“We have received confirmation from the WTA that unfortunately, I have not been granted an exemption to compete at the Asian Games,” ani Tjen.
Wala pang inilalabas na statement ang Philta o ang kampo ni Eala sa resulta ng exemption request nito.
Subalit posibleng parehong desisyon ang ibibigay ng WTA na gaya nang nangyari kay Tjen dahil magkatulad ang kanilang kadahilanan.
Kung hindi maglalaro sa mandatory event ng WTA, mapapatawan ang isang player ng zero-point penalty sa loob ng 52 linggo kasama pa ang multa na $10,000 o mahigit P600,000.
Malaki ang nakataya sa Asian Games dahil ang magkakampeon dito ay awtomatikong makakasiguro ng silya sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
- Latest


















