3 sundalo guilty sa Degamo slay case

MANILA, Philippines — Tatlong dating miyembro ng Philippine Army ang hinatulang makulong ng 10 hanggang 20 taon ng Manila Regional Trial Court kaugnay sa kaso ng pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo, sa kasong illegal possession ng mga baril at pampasabog.
Sa desisyon noong Agosto 18, hinatulan ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 40 si Joric Labrador na guilty sa unlawful possession ng baril at bala. Guilty rin ang hatol kina Joven Javier at Benjie Rodriguez sa tig-isang bilang ng unlawful possession ng pampasabog kaugnay ng pagpaslang kay Degamo noong Marso 2023.
Si Labrador ay sinentensyahan ng hanggang 10 taong pagkakakulong, habang sina Javier at Rodriguez ay pinatawan ng parusang reclusion perpetua o 20 taong pagkakakulong.
Iniutos din ng korte na i-turn over sa Philippine National Police ang mga baril at pampasabog na nakumpiska mula sa tatlong akusado. Kabilang sa mga ito ang isang .45 caliber pistol, dalawang magazine, 14 na bala, at dalawang hand grenade.
Ang tatlong akusado ay nahaharap din sa maraming kaso ng murder at frustrated murder at attempted murder sa Manila RTC dahil sa pagpatay kay Degamo.
Ang 56-anyos na gobernador ay binaril sa loob mismo ng kanyang bahay sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental. Ayon sa Department of Justice na nagsampa ng mga kaso sa Manila RTC, pinagtibay sa mga kasong ito ang bisa ng warrantless arrests.
Ito ay dahil maayos na natukoy at na-handle ang mga nakumpiskang gamit, batay sa mga testimonya ng pulisya, at iba pang mga testigo.
- Latest


















